Naging matagumpay ang paglunsad ng digital vaccination certificate o VaxCertPH sa buong Metro Cebu na pinangunahan ng DILG-7 at Department of Information and Communications Technology (DICT)-7 ngayong araw, Setyembre 24, 2021.

Pinangunahan ni Acting City Mayor Michael Rama ang paglunsad sa Cebu City na ginanap sa Cebu City Hall.

Ilan sa mga lumahok ay si Project Direktor ng DICT Antonio Padre, si Panlungsod na Direktor ng DILG Cebu City Atty. Ian Kenneth Lucero at mga kawani ng sub-rehiyonal na tanggapan, mga kawani ng DILG-7 Emergency Operations Center na pinamumunuan ni LGOO V Rommel Correa at mga kawani ng DICT-7.

Samantala, unang nakapag-generate ng digital vaccination card si Mandaue City Mayor Jonas Cortes, na nasaksihan ni Panlungsod na Direktor ng DILG Mandaue City Johnjoan Mende sa hiwalay na aktibidad na ginanap sa nasabing lungsod na bahagi din ng Metro Cebu.

Para makakuha ng sariling digital vaccination card sa mga designated VaxCertPH booth sa Metro Cebu, hinihikayat ang mga residente na magdala ng dalawang government-issued ID at ng kanilang mga printed vaccination card. Bukod dito, maari rin silang magparehistro sa website ng VaxCertPH sa https://vaxcert.doh.gov.ph.

Kasama sa mga impormasyon na lalabas sa certificate ang lugar at petsa ng pagbabakuna, ang brand ng bakuna at QR Code.

Sa kasalukuyan, prayoridad munang bigyan ng digital vaccination certificate ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) at iba pang mga international traveler.